Muling pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte ang mahusay nitong pamamahala matapos itong opisyal na kilalanin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang passer ng Calendar Year 2025 Good Financial Housekeeping (GFH).
Ayon sa DILG, nakamit ng lalawigan ang naturang pagkilala matapos nitong matugunan ang mga pamantayan sa maayos na pamamahala ng pananalapi at pagsunod sa mga alituntunin ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Isa sa mga pangunahing batayan ng GFH ay ang pagkakaroon ng Unqualified o Qualified Opinion mula sa Commission on Audit (COA), na nagsisilbing patunay na ang mga transaksyon at gastusin ng lokal na pamahalaan ay naaayon sa umiiral na mga batas at regulasyon sa pananalapi.
Kasama rin sa mga naging batayan ang ganap na pagsunod ng lalawigan sa Full Disclosure Policy, kung saan regular nitong inilalathala at isinusumite ang mahahalagang ulat pinansyal sa mga itinakdang pampublikong lugar at sa opisyal na online portal ng pamahalaan upang matiyak ang bukas at transparent na pamamahala.
Ang pagkilalang ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon nina Gobernador Ricarte “Dong” Padilla at Bise Gobernador Engr. Joseph Ascutia na mapanatili ang mataas na antas ng integridad, pananagutan, at mahusay na paggugol ng pondo para sa kapakanan ng mga mamamayan ng Camarines Norte.
Itinuturing ang Good Financial Housekeeping bilang isa sa mga mahalagang rekisito para sa Seal of Good Local Governance (SGLG), isang prestihiyosong pagkilala na iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaang nagpapakita ng mahusay na pamumuno at epektibong paghahatid ng serbisyo publiko.
Inaasahan na magsisilbing inspirasyon ang panibagong tagumpay na ito upang higit pang mapalakas ang mga programa at serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan para sa patuloy na pag-unlad ng Camarines Norte at ng bawat CamNorteño.
0 Mga Komento