Daet, Camarines Norte — Mariing tinutulan ni Bishop Herman G. Abcede, Obispo ng Daet, ang iminungkahing Paracale Gold Project ng Golden River Mining Corporation (GRMC), sa pamamagitan ng inilabas niyang Pahayag Pastoral nitong Abril 24, 2026.
Sa kaniyang mensahe na may temang “Huwag Ipagpalit ang Kinabukasan sa Ginto ng Kasalukuyan,” binigyang-diin ng Obispo na ang usapin ng pagmimina ay hindi lamang nakatuon sa ekonomiya, kundi higit na mahalaga ang epekto nito sa kalusugan, dignidad, at kinabukasan ng mga mamamayan.
Ayon kay Bishop Abcede, ang anumang proyekto ng open-pit mining ay may kaakibat na malalaking panganib, lalo na sa kalikasan at pamayanan. Kabilang sa kaniyang binigyang babala ang posibleng pagkasira ng mga bundok at kagubatan, kontaminasyon ng tubig dahil sa paggamit ng kemikal na cyanide, at ang banta ng polusyon sa hangin na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga residente, lalo na ng mga bata.
Binigyang-pansin din ng Obispo ang tinatawag niyang “tatlong sugat” na dulot ng pagmimina—pinsala sa kalikasan na maaaring hindi na maibalik sa dating anyo, pagdurusa ng mga lokal na mangingisda at magsasaka na kadalasang hindi nakikinabang sa kita ng pagmimina, at ang pagkasira ng moralidad at pagkakaisa ng komunidad.
Sa isinagawang konsultasyon sa Barangay Tawig noong Abril 23, ipinahayag din ang pangamba ng Simbahan at mga residente hinggil sa planong proyekto.
Nanawagan si Bishop Abcede sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa kita mula sa pagmimina, at hinikayat din ang kumpanya na patunayan ang kaligtasan ng kanilang proyekto hindi lamang sa mga pahayag kundi sa kongkretong aksyon.
“Kung ang ginto ay kapalit ng tubig, kalikasan, kalusugan, at kinabukasan, ito ay hindi biyaya kundi isang tukso na dapat tanggihan,” mariing pahayag ng Obispo.
Ang pastoral na pahayag ay nilagdaan din ni Fr. Frederick L. Rafael, Kansilyer ng Diyosesis, at nagsisilbing gabay moral para sa mga mananampalataya sa gitna ng lumalalang isyu ng pagmimina sa lalawigan.
0 Mga Komento