Sta. Elena, Camarines Norte — Tatlong indibidwal ang naaresto ng mga awtoridad sa isang isinagawang seaborne patrol operation noong Abril 24, 2026 sa baybayin ng Sta. Elena bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pangingisda at pangangalaga sa yamang dagat.
Pinangunahan ang operasyon ng Camarines Norte Maritime Police Station (MARPSTA) sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Lawrence P. Martinez, katuwang ang Sta. Elena Municipal Police Station.
Ayon sa ulat, nasabat ng mga operatiba ang isang bangkang walang marka na aktibong gumagamit ng ipinagbabawal na paraan ng pangingisda na tinatawag na “buli-buli” o modified Danish seine. Ang nasabing pamamaraan ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Section 97 ng Republic Act No. 10654 dahil sa pinsalang dulot nito sa coral reefs at sa natural na tirahan ng mga isda.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang bangkang ginamit sa operasyon, mga kagamitan sa pangingisda, at sari-saring huling isda na ginamit bilang ebidensya.
Dinala ang tatlong suspek sa tanggapan ng Camarines Norte MARPSTA para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Ayon sa mga awtoridad, ang naturang operasyon ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Philippine National Police Maritime Group na mapangalagaan ang yamang-dagat at mapigilan ang mga ilegal na aktibidad na sumisira sa ekosistema ng karagatan.
Social Plugin