Naghain ng not guilty plea si Raymart Santiago sa pagdalo sa arraignment ng kasong physical abuse na inireklamo laban sa kanya ng asawang si Claudine Barretto.
Ayon sa report ng Balitanghali, ramdam daw ang tension nang halos magkasabay sa loob ng korte ang mag-asawang Claudine at Raymart. Ngunit dahil sa gag order ay hindi pa pwedeng mag-comment ang dalawa tungkol sa nasabing kaso.
Nang itanong ni Nelson Canlas kung nag-plead ng not guilty ang aktor, maiksi nitong isinagot ay “Siyempre”.
Sa isa pang panayam, nagpakita rin ng kumpyansa si Raymart ng aminin niyang binati siya ng ama ni Claudine.
“Alam naman kasi niya ang totoo, at ‘yun na lang. Kung totoong ginawa ko ‘yun, sa tingin mo ba babatiin ako ng mga magulang?,” sabi nito.
Kuwento rin ni Raymart na dati pa mapagbanta ang aktres laban sa kanyang mga nauna nang nakasama.
“Di lang naman niya sa akin ginawa ‘yan. Sa lahat ginawa na rin niya ‘yan eh, so parang paulit-ulit na lang. Hindi lang din sa akin ginawa, pati doon sa mga ex niya ginawa na rin niya dati ‘yun,” aniya.
Samantala, puno rin ng kumpyansa si Claudine tungkol sa status ng kanyang kaso laban sa asawa.
“May probable cause nga ang physical abuse so kung ano man ang sinabi nila na mapanggawa ako ng kwento o ano, eh eto na ang katotohanan na talagang nananakit ang asawa ko,” saad ni Claudine.
Ayon sa impormasyong nakuha ni Nelson Canlas, sa Agosto ang simula ng pre-trial ng kaso.
If proven guilty, maaaring makulong si Raymart at pagbayarin ng halagang P100,000 – P300,000. Ipapasailalim din siya sa mandatory psychological counselling o psychiatric therapy.
July 2013 nang nagsimula ang conflict sa pagitan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto. April 27, 2014 naman ng inilabas ang resolution tungkol sa 2 counts of physical abuse laban sa aktor.