Muling pinatunayan ng GMA Network ang matibay nitong posisyon bilang pangunahing pinagkakatiwalaang media organization sa bansa matapos itong manguna sa Philippine Media Trust Ratings 2026 ng Reuters Institute for the Study of Journalism ng University of Oxford.
Batay sa ulat, nakakuha ang GMA Network ng 66% trust rating, ang pinakamataas sa lahat ng media organizations na kasama sa survey. Sinundan ito ng Philippine Daily Inquirer na may 61%, habang kapwa nakakuha ng 60% ang ABS-CBN at DZMM Radyo Patrol/DZMM TeleRadyo.
Bukod sa pagiging nangunguna sa tiwala ng publiko, nangibabaw din ang GMA Network sa Weekly Reach Offline (TV, Radio, Print) sa Pilipinas. Nakapagtala ito ng 48% weekly reach, malayo sa 41% ng ABS-CBN at 22% ng TV5 at Philippine Daily Inquirer.
Kabilang sa mga programang nag-ambag sa mataas na reach ng GMA Network ang mga pangunahing news programs nito gaya ng 24 Oras, Saksi, at mga balita sa GTV.
Ipinapakita ng resulta ng Reuters Digital News Report 2026 na nananatiling malakas ang tiwala at lawak ng naaabot ng GMA Network sa mga Pilipino sa kabila ng patuloy na pagbabago sa media landscape. Patunay ito ng patuloy na pagtangkilik ng publiko sa mga programang naghahatid ng mabilis, tumpak, at mapagkakatiwalaang impormasyon.
Samantala, kabilang din sa mga media organizations na nagtamo ng mataas na antas ng tiwala ang Manila Bulletin, The Philippine Star, TV5/One PH, Super Radyo DZBB, at DZRH.
Ang Reuters Digital News Report ay isa sa mga kinikilalang pag-aaral sa buong mundo na sumusukat sa paggamit ng balita, media consumption, at tiwala ng publiko sa mga organisasyon ng pamamahayag.
0 Mga Komento