Mike Enriquez. Larawan mula sa Tunay Na Buhay
Sa isang episode ng GMA News TV's "Tunay Na Buhay," ibinahagi ng award-winning news anchor na si Mike kay Rhea Santos, kung paano papaano siya aksidenteng napasok sa broadcast industry at nagsimula bilang isang radio announcer.
Taong 1969 umano nang kuning radio announcer ng Manila Broadcasting Company (MBC) ang noo'y 19-anyos pa lang na si Mike. Miguel Castro Enriquez sa tunay na buhay, at isinilang sa Sta. Ana, Manila. Siya ang panganay sa tatlong magkapatid.
Ayon kay Mike, mahilig siyang makinig ng radyo kaya nagtungo siya MBC para bisitahin lamang ang kaniyang kaibigan na nagtatrabaho sa nasabing istasyon.
"Ang interest ko do'n sa radio [ay] listener, nakikinig ako ng radyo no'n pero hindi ko ginusto o binalak o pinangarap maging announcer. Tumawag 'yong kaibigan ko sabi niya, 'announcer na ako sa radyo.' Dinalaw ko, ito pala itsura ng radio station, ganon. Tapos nandoon ang manager, the late Mr. Tony Romero, my first station manager ever," kwento niya.
Patuloy ni Mike, "Sabi no'ng kaibigan ko, itong kaklase ko si Mike nag-a-apply siya, 'ano? ano?,' sabi ko. Kasi 'yon pala desperado silang magkaroon ng bagong announcer. Kahit sinong makita nila, [tatanong nila kung] 'gusto mo mag-announcer?' Para lang magka-day off sila."
Ayon sa dating kasamahan nito na si "Long Tall" Howard Medina, tahimik lamang si Mike ngunit dedikado sa kaniyang trabaho. Gayunpaman, bilang baguhan, limitado lamang umano ang maaari nitong sabihin habang umeere nang bagito pa.
"Tahimik, siyempre siya pinaka-junior so pinakakawawa. Kung ang programa niya ay 5 o'clock to 7 o'clock ng umaga, may tatawag ng 7 o'clock na papalit sa kaniya sasabihin 'Mike, may sakit ako. Diyan ka muna," pagbahagi ni Howard,
"Si Baby Michael"
Nang mabigyan na ng pagkakataon, sumalang na si Mike sa radyo on air at nakilala ito sa pangalang "Baby Michael."
Paliwanag niya sa kaniyang bansag na pangalan, "Kasi ang girlfriend ko noon ang pangalan Baby. Hindi ko pa yata siya girlfriend po alam nila na crush ko si Tita Baby."
Dahil nakakatulong at nakakapagpasaya ng tao sa trabahong aksidenteng napasok, itinuloy na ni Mike ang manatiling broadcaster at ngayon nga ay umabot na ng apat na dekada.
"Kasi naisip ko, aba, may napapasaya akong tao. Gusto ko 'to," pahayag ni Mike na napapanood sa mga Kapuso public affairs show na "24 Oras" at "Imbestigador." Siya rin ang namamahala sa GMA radio station na dzBB at Barangay LS (DWLS-FM 97.1Mhz).
Ang tunay na pangarap ni Mike
Gaya ng karaniwang bata, aminado si Mike na malikot siya. Pero sa kabila ng kalikutan, isa siyang sakristan.
"Malikot ako, e. Yung bahay ng isa kong tiya 'pag alam nilang dadating na kami, pinapatabi na niya ang mga bandehado kasi nambabasag ako," natatawan niyang kwento.
Dahil lumaki na malapit sa Panginoon, pumasok si Mike sa seminaryo noong High School at inasam na niya na balang araw ay magiging pari siya.
Ayon kay Mike, "Laki ako sa simbahan. Kami ng mga kababata ko doon kami umi-istambay [sa simabahan]. Sakristan kami, member kami ng choir, naging malapit kami sa mga pari."
Ngunit hindi natupad ang kaniyang pangarap na maging alagad ng Simbahan dahil na rin sa tila pagtutol ng kaniyang mga magulang.
"Hindi nila ako pinayagan. Yes, [ng mga magulang ko] pati ang grandparents ko nag-influence sa kanila," malungkot na pagbabalik-tanaw niya.
Paniwala ni Mike, maaaring nang mga panahon na iyon, tingin nila ay lubha pa siyang bata para magdesisyon sa sarili.
Aminado ang broadcaster na ikinalungkot niya ang nangyari at itinuring na isa iyon sa "pinakamasamang bahagi" ng kaniyang kabataan.
Live Jesus in our hearts, forever
Nakapagtapos ng kolehiyo si Mike sa De La Salle University sa kursong Liberal Arts in Commerce.
Bagamat may trabaho na, nananatili pa ring aktibo ang kilalang mamamahayag sa mga pangyayari sa DLSU.
"Ang La Salle kapag inumpisahan mo, parang chichirya 'yan, e, 'pag inumpisahan mo 'yan hindi mo na matigil," pahayag ni Mike. "'Yong mga tinuturo nila, 'yong mga aral na natutunan namin at 'yong samahan namin. Walang fraternity, wala kamnig pormal na asosasyon, grupo lang, klase lang, kaibigan lang na hanggang ngayong [ganon pa rin.]"
Ayon pa sa kaniya, ito raw ang paraan niya upang masuklian ang itinulong sa kaniya ng paaralan.
"Isa itong paraan ng pagsusukli at tulong na rin sa mga susunod na henerasyon. Kaya lang, kailangan mo ng pera para magkaroon ka ng magandang edukasyon. Mahal ang edukasyon, totoo 'yon. Pero ang sabi ko mas mahal maging mangmang," aniya.
Si Tita Baby at si 'Booma'
"Limang taon kaming magkakilala at magka-sweetheart bago kami ikinasal. Hindi kami whirlwind romance, 'yong mabilisan lang, limang taon 'yon. Kaya after limang taon, hindi mo na alam kung paano mabubuhay kung wala ang isa. 'Pag nawala sa'yo, masikip ang pakiramdam mo. Ganon si Tita Baby," batid ni Mike sa kaniyang kabiyak sa buhay.
"Kung malaki ako ngayon, mas malaki ako noong araw. Mga doble o triple ako noong araw. Ang isa kong kaibigang DJ na taga-ibang station, Booma [ang tawag sa'kin]. Mula noon, Booma na," pag-alala nito.
Bago makilala sa telebisyon, nagtrabaho si Mike sa iba't ibang kumpanya radyo kabilang ang Filipinas Broadcasting Systems, Inc., Freedom Broadcasting Radio Network, at Radio Mindanao Network.
Kuwento ni Benjie Alejandro, isang mamamahayag sa radyo, workaholic at dedikadong reporter si Mike.
"[Mike is] very passionate. Kaya kami noon, hindi kami puwedeng mag-absent dahil workaholic si Booma. Lahat ng sunog, mapalaki o mapaliit, nandoon siya, aniya."
"Kaya doon hindi ka pupuwedeng magsabi na, pag sinabi halimbawa nasaan ka? Kunwari kinover [cover] mo sunog, huwag kang magsasabing wala dahil tiyak nandoon siya, yari ka," patuloy nito.
Dahil dito, naging matunog agad ang pangalan ni Mike sa industriya hanggang sa kunin siya ng DZBB, ang radio station ng GMA noong 1995.
"Gusto namin palakihin ang radio network. Kumpleto na kami ng equipment, lahat naka-order na, isa na lang ang kulang— 'yong taong magpapatupad, magpapalaki ng radio ng GMA. Sabi nila, wala kaming gustong kausapin kundi ikaw," pag-alala ni Mike.
Mahilig sa fish crackers
"Istrikto at nakakatakot." Iyan ang paglalarawan nina Susan Enriquez at Arnold Clavio kay Mike Enriquez, nang makatrabaho nila sa radyo bago pa man sila makilala bilang mga reporter sa telebisyon.
Wika ni Susan, "Hindi siya laging nakangiti. Parang nakakatakot, nakaka-intimidate, e boss namin siya doon sa radyo. Pero later on, siyempre noong nakakasama-sama mo siya, ano, jologs din."
Ayon naman kay Arnold, "Matagal na panahon na rin kaming magkasama, tinginan lang nagka-intindihan na kami. Tinginan, kindatan, at hanggang ngayong holding hands na kami. Tawagan namin beh sa radyo. Istrikto sa istrikto kasi hindi niya pinapalampas ang mga taong tamad."
Ibinisto rin ni Susan ang pagiging mahilig ni Mike sa fish crackers. Aniya, ginagawa pa raw ulam ng kanilang boss ang naturang pagkain.
"Ang hilig niya sa fish crackers, hindi ko nga alam saan siya bumibili noon ,e, pero ang hilig niya doon. Inuulam ba niya parang walang pambili," natatawang kwento ni Susan.
Unang salang sa TV
Nagsimula ang karera ni Mike Enriquez sa telebisyon noong 1995 matapos siyang kunin para maging anchor sa special election coverage ng GMA-7, na may titulong "Decision 95" kung saan nakasama niya si Karen Davila.
"May coverage ang eleksyon tapos ang sabi nong isa kong executive, 'Pare, mag-anchor ka na tutal isang araw lang 'yan, dalawang oras lang 'yan. Kulang na kulang talaga.' Sabing ganun," kwento ni Mike na hindi makapaniwala dahil hindi raw pang-tv ang kaniyang hitsura.
Patuloy na kwento ni Mike, "Unang harap ko doon sa camera, sus ginoo! Para nga akong maiihi sa pantalon, nanlalamig ako."
Dahil dito, nagpatuloy na ang kaniyang karera bilang mamamahayag sa telebisyon nang mapili siya anchor ng "Saksi: Headline Balita" ng nasabi ring taon.
Taong 2000 nang mabigyan si Mike ng kaniyang sariling programa sa telebisyon, ito ang Public Affairs program na "Imbestigador" na napapanood pa rin hanggang sa kasalukuyan.
"Saktong-sakto talaga si Sir Mike Enriquez para maging host ng 'Imbestigador' dahil siya ang tingin kong epitome ng walang kinikilingan, walang pinoprotektahan," ayon kay Gale Cañoneo– Parid, executive producer ng "Imbestigador."
"Lagi niyang sinasabi na walang malaki o walang maliit na istorya dahil para sa kaniya, pantay-pantay lahat 'yan," patuloy nito.
Taong 2004 naman nang mapili si Mike bilang anchor ng daily news program ng GMA-7 na "24 Oras" kung saan kasama niya ang beteranong mamahayag din na si Mel Tiangco.
Pag-alala ni Mel, "Mike Enriquez was my first boss sa radyo. I think sa tagal ng panahon na pagsasama namin ay nakilala niya na rin ako. So, maganda 'yong aming pakikitungo sa isa't isa."
Sa apat na dekada ni Mike sa radyo at telebisyon, kinilala na ang husay nito sa iba't ibang parangal kabilang ang "Best Male News Caster" at ang "Silver Camera Award sa US Film and Video Awards" noong 2004 dahil kaniyang comprehensive coverage sa giyera sa Baghdad.
"Sabi ko sa mga kasamahan ko, 'pag may natulungan kayo, 'pag may napasaya kayo, may nabigyan kayo ng impormasyon o balita, kinita niyo na 'yong sweldo niya," paalala ni Mike sa mga kasamahan sa industriya na kaniyang minahal. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento