Hindi na baguhan si Kapuso young actor Miguel Tanfelix sa pagganap ng role na may problema sa pag-iisip. Si Niño na kasi ang ikalawang character na mayroong mental incapacity na ginampanan niya. Pero ayon sa aktor, malaking challenge pa rin ito sa kanya dahil lumevel up ang expectations sa kanya dahil sa first big break na ito.
“Siyempre kinakabahan din kasi hindi ko alam kung ano 'yung magiging feedback ng viewers at hindi ito 'yung typical na role na gagamapanan ko kaya kailangan ko talaga pagbutihin,” anang batang aktor.
Ayon pa kay Miguel, nakadaragdag pa sa hirap ng role ang pagiging bida dahil may gusto siyang patunayan. Aniya, “May pressure talaga siya. Lalo na't first lead role. Binigay sa ‘kin 'to ng GMA [kaya] kailangan [kong] pagbutihin at i-prove na tama na ibinigay nila sa 'kin 'to.”
Hindi madalas napapanood ang role ni Niño sa telebisyon dahil mahirap itong gampanan. Mayroon kasing sakit sa pag-iisip ang character ni Miguel. Dulot ito ng pagkabagok ng kanyang ulo matapos siyang malaglag sa ilog noong bata pa siya. “'Yung role ko, challenging 'to kasi hindi 'to 'yung basta-basta natural na role,” aniya.
Kuwento ni Miguel, dahil challenging ang role ay talagang nag-prepare siya nang husto para panindigan ang character ni Niño. “Workshop talaga. Kasi 'yun 'yung pinaka-effective na [paraan]. Nanonood din ako ng movies like I Am Sam. Nakakakuha rin ako ng idea kung paano ko gagawin 'yung role,” saad niya.
Dagdag pa ni Miguel, madalas din ay ino-obserbahan niya ang mga batang nakapaligid sa kanya. Pahayag niya, “Katulad noong mga bata sa kalsada, kung paano gumalaw 'yung isang 7 years old para may idea rin ako. Na-observe ko na kapag naglalaro sila, masayahin pala sila. Kaya siguro 'yun 'yung i-a-apply ko.”
Sa huli, binanggit ni Miguel kung ano ang dapat i-expect ng viewers sa kanya. “I-expect lang po nila ay ibibigay ko po 'yung best ko para maparating 'yung message ng Niño at kung ano ba talaga 'yung ipinaparating ng show, kung ano 'yung mga aral na matututunan dito sa show,” bahagi niya.